Hanapin ang Blog na Ito

Sabado, Enero 7, 2012

Mga Epektibong Reinforcement sa Klase

MGA EPEKTIBONG REINFORCEMENT SA KLASE
ni: Leandro A. Cruz 


Sanggunian: Pagbasa, Pagsulat, Pananaliksik
May-akda: Rolando A. Bernales, et.al

        Ang mga epektibong reinforcement ay yaong mga simple ngunit makabuluhan. Simple dahil wala itong overt reaction buhat sa guro.

     Ang marahang pagsabi ng good at very good ay may positibong epekto sa mga mag-aaral. Ang importante ay makita't maramdaman nila na pinapahalagahan mo ang kanilang ginagawa. Kung minsan, ang maayos na pagtangu-tango upang ipakita na tama at maayos ang kanyang ginagawa ay mahusay na panghihikayat sa mga estudyante at kamag-aral.

       Hindi kailangang magpakita ng masidhing reaksyon kung maibibigay ng bata ang tamang sagot. Ang mga salitang gaya ng " Napakagaling!", Ubod ng husay!", o " Kahanga-hanga talaga!", tapos ay sasamahan pa ng overt reaction ay may hindi maganang epekto sa iba. Ayon kay Donald Newman ( awtor ng isang aklat na pang-elementarya), ang mga ito ay nagdudulot ng agam-agam sa mga bata. Kahit ang batang nagbigay  ng tamang sagot ay nagiging atubiling sumagot muli dahil iniisip niyang baka di kasing husay ng nauna ang kanyang magiging sagot. Inaalala niya kung magagawa pa niya ang ganitong klase ng pagsagot at ang mga kamag-aral ay takot na ring sumubok sapagkat hindi sila sigurado kung mahusay rin ang kanilang gagawin.

      Ang reinforcement, kahit simple lang basta't taos sa puso ay magiging kapaki-pakinabang. Ang pagsasagawa nito ay hindi mahirap kung naroon ang pagnanais na makatulong ka sa paghubog ng isang epektibong mag-aaral.

         Sa loob ng klase, makikita ang dalawang uri ng reinforcement: Ang verbal at ang non-verbal. Ang mahalaga ay may positibong epekto ito sa mga mag-aaral.

          Ang mga payak o simpleng pananalita gaya ng " Maayos ang inyong presentasyon" o kaya'y " Marami kaming natutuhan sa inyo" ay may magandang epekto sa bata. Nadarama o nababatid nila na may naging bunga pala ang pagsisikap nila at masasabi nila sa kanilang sarili na " kaya ko pala ito..."

           At sa mga non-verbal reinforcement naman, kahit ang simpleng pagkamay o handshaking sa oras na mapanagumpayan ang isang gawain at ang mahinay na pagngiti kung sang-ayon sa kanyang panukala ay mga mahusay na reinforcement sa mga bata.

            Bilang guro, ikaw ay nagiging tagapaghikayat, nagpapakita ng tiwala sa kakayahn ng bata at nagsisilbing pangalwang magulang. Ang mahalaga rito ay inaalalayan mo ang mga bata para sa kanilang kabutihan at pag-unlad.



1 komento:

  1. sinu-sino ba ang makikinabang ng epektibong reinforcement? kagaya ng mga mag-aaral, mga guro.at ng mga magulang.

    TumugonBurahin